Search Here
Boses ng Masa
Archives
Website Visits
Log In
Ano nga ba ang Sin Tax Bill? Ano ba ang nilalaman ng panukalang ito? Marami pa rin sa ating mga kababayan ang kulang sa kaalaman tungkol sa usaping ito. Dito po sa panukalang ito ay tataasan ang buwis o tax ang “sin” products katulad ng sigarilyo at alak sa layuning mabawasan ang mga gumagamit nito. Ano kaya ang magiging epekto nito sa ating mga kababayan at lipunan? At bakit kailangang mas mataas ang buwis ng sigarilyo kaysa alak? Ayon kay Senador Franklin Drilon, isa sa tatlong Senador na may kani-kaniyang bersyon ng Sin Tax Bill, “There is such a thing as moderate drinking, but no such thing as moderate smoking”.
Ang Dept. of Health Director na si Enrique Ona ay sumusuporta at umaasang maipatupad ang panukalang ito dahil ayon sa kanya, halos sampung Pilipino ang namamatay kada oras sa tobacco-related diseases. Nilalayon din ng panukalang ito na ilayo o iiwas ang mga kabataan sa bisyong ito at ang mga nakatatanda na dati nang naninigarilyo ay huminto na sa kanilang bisyo dahil walang magandang maidudulot ito sa kanilang katawan at kalusugan.
Sa bersyon ng Sin Tax Reform Bill ni Senador Drilon, ang ipapataw na buwis sa bawa’t pakete ng mas murang sigarilyo ay labing-apat na piso at sa mas mahal na sigarilyo ay dalawampu’t-walong piso at limampung sentimo. At sa taong 2016 ay tatlumpung piso na ang ipapataw na buwis sa mura man o mahal na sigarilyo dahil ano man ang klase o halaga nito ay parehas din ang masamang epekto nito.
Ano naman ang epekto nito sa mga magsasaka o manggagawa sa industriya ng tabako? May mga grupong nagpoprotesta sa panukalang ito dahil wala umano silang nakikitang proteksiyon para sa kanila. Sa bersyon ni Sen. Drilon, ang malilikom na buwis sa pitumpung posyento ay aabot sa 40-45 bilyong piso at ito ay mapupunta sa mga programang pangkalusugan, magagamit na budget para sa DOH upang makapag-enroll ng mahigit limang milyong pamilya sa Phil Health, mabibigyan ng sapat na pondo ang mga publikong ospital at iba pang programa tungkol sa pangkalahatang kalusugan. At ang anim na porsyento nito ay ilalaan para sa mga magsasaka at manggagawa ng tobacco industry katulad ng kooperatiba at livelihood programs. Pinag-uusapan din ang posibleng pagtaas ng smuggling sa pagtaas ng presyo ng sigarilyo.
Bilang pinakabagong Executive Assistant ni DOH Sec. Enrique Ona, ang aking anak na si Dr. Jaykee Rodriguez ay isa sa mga kinatawan ng Dept. of Health na dumadalo sa Senate Sin Tax hearings. Inaasahan ng nakakarami na maipapatupad ang panukalang ito sa Lunes. Ito ay para sa ating mga kababayan, kabataan at lipunan. ABN